Itataas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa heigtened alert ang buong Metro Manila dahil sa nalalapit na 30th SEA Games.
Ayon kay NCRPO deputy regional director for operations at pinuno ng security force sa Metro Manila para sa SEA Games na si Brig. Gen. Crizaldo Nieves, itataas na nila ang heightened alert status sa November 23,2019.
Ayon kay Nieves, ito ay para tiyakin na in-placed ang kanilang security measures at maging ang kanilang mga tauhan na magbibigay seguridad lalo na at may mga delegasyon na darating ng maaga sa bansa.
Nilinaw naman ng opisyal na wala silang natatanggap na banta sa seguridad sa SEA Games.
Siniguro naman ng NCRPO na may mga police personnel na naka-deploy sa iba’t ibang sports events.
May mga pulis din na magbibigay seguridad sa lahat ng billeting areas ng mga atleta.
Nasa 20,000 police personnel ang ipapakalat ng PNP para sa nalalapit na SEA Games.
Umapela naman ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging alerto at laging nakahanda anumang oras.
Ito’y dahil sa inaasahang pag-atake na naman ng mga kawatan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, bagama’t may malaking pagbaba sa antas ng krimen, hindi ibig sabihin nito na dapat magpaka-kampante na ang publiko.
Gayunman, ipinagmalaki ni Banac ang malaking pagbaba ng antas ng krimen sa lansangan bunsod na rin ng kakaunting bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga.
Maliban sa papalapit na Pasko ay nakaalerto rin ang PNP para sa isasagawang Southeast Asian na ang official kcikoff ay sa Nobyember 30 at magtatapos sa Disyembre 11.