(Update) CAUAYAN CITY – Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad para malaman ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng isang helikopter ng Philippine Air Force (PAF) kagabi.
Apat na ang patay, isa ang malubhang nasugatan sa pagbagsak ng Huey helicopter habang palipad kagabi upang magsagawa ng night vision proficiency training.
Unang lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station na dakong alas-7:10 kagabi nang bumagsak at sumabog ang chopper habang palipad mula sa Air Station ng Tactical Operations Group (TOG 2), Philippine Air Force na nakabase sa San Fermin, Cauayan City.
Nagsagawa hanggang madaling araw ng crime scene processing ang mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Cauayan City Crime Laboratory matapos na marekober ang bangkay ng apat na sakay ng chopper.
Nasa punerarya pa ang bangkay ng mga namatay na dalawang piloto, isang crew at isang backride habang ginagamot sa isang pribadong ospital ang isa pang crew na malubhang nasugatan.
Hindi pa inilabas ni Col. Augusto Padua, commander ng TOG-2 Philippine Air Force ang pangalan ng mga sakay ng helicoper dahil kailangan munang ipabatid sa kanilang pamilya ang nangyari sa kanila.
Inaasahang darating sa Cauayan City ang mga kinatawan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para imbestigahan ang pagbagsak ng helicopter.