Patuloy ang isinasagawang masinsinang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng helicopter crash sa Guimba, Nueva Ecija noong hapon ng Sabado na ikinasawi ng 25 anyos na babaeng piloto.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, maraming paga-aralang factor sa pag-crash ng helicopter tulad ng panahon, engine o makina ng helicopter, record ng piloto at ng mismong aircraft.
Subalit nilinaw naman ng opisyal na mayroon itong permit to fly kayat compliant ito sa mga procedures na itinakda ng CAAP.
Sinabi din ng CAAP official na agad naipaalam sa pamilya ng piloto nang mangyari ang insidente at na-claim na rin aniya ng pamilya ang labi nito.
Nauna rito, hindi muna pinangalanan ng opisyal ang biktima habang nakabinbin pa ang pagtukoy ng pamilya sa pagkakakilanlan ng piloto.
Ayon kay Apolonio, galing sa Manila ang helicopter at ibinaba ang isang pasahero sa Baguio city saka umalis ng bandang alas-11:51 ng umaga ng Sabado pero kinailangan nitong magkarga ng fuel kayat nagtungo ito sa Binalonan airport sa Pangasinan at naglanding ng alas-12:05 ng tanghali.
Hindi agad umandar ang helicopter matapos magpakarga ng fuel kayat dakong alas-4:30 na ng hapon ito naka-take off.
Subalit alas-5:20 ng hapon, dito na nakatanggap ang Guimba Police Station ng report mula sa concerned citizen kaugnay sa helicopter crash sa Barangay San Miguel, Guimba, Nueva, Ecija.