-- Advertisements --
viber image 2023 04 29 06 02 52 695

Matagumpay na nailipat patungong Probinsya ng Cebu ang Helicopter na pagmamay-ari ni suspended Representative Arnolfo Teves Jr na umano’y naging get away aircraft ng mga sangkot sa pagpatay kay Governor Roel Degamo noong March 4 .

Armado ng Machine Gun ang helicopter na sinakyan ng mga kapulisan na nag escort sa helicopter ni Teves mula Dumaguete Airport hanggang patungong Mactan Airport.

Kinunan ito ng mga marka bago tuluyang ibinyahe upang matukoy kung sino-sino ang mga indibidwal na sumakay sa naturang helicopter bago ito nakumpiska ng National Bureau of Investigation.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mahalagang bahagi ang helicopter ni Arnie Teves upang mapatunayan ang ugnayan nito sa mga gunmen na nasa likod ng pagpatay kay Governor Roel Degamo at sa walong iba pa.

Sinabi ni Remulla ginamit umano ng mga gunmen ang helicopter ni Teves upang makatakas sa checkpoint.

Kung maaalala, kaagad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad matapos ang pamamaril kay Degamo na nagresulta sa pagkaka aresto sa unang tatlong suspect.

Ayon sa kalihim , pinuno ng sakay ang helicopter matapos ang pamamaril kay Degamo.

Ang naturang chopper ay bantay sarado ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation sa Mactan Airport.

Una ng tinukoy ni Remulla si Teves bilang mastermind sa pagpatay kay Governor Degamo at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito umuuwi ng bansa dahil sa banta umano sa kanyang buhay.

Sinabi naman ng Justice Department na hindi totoo ang banta sa buhay ni Teves at ito ay palusot lamang ng suspendidong mambabatas.

Pinaplantsa narin ng Justice Department ang pagtatalaga kay Teves bilang Terorista upang mapilitan itong bumalik ng bansa.