Pinahintulutan umano na lumipad ang helicoper na sinakyan ni NBA icon Kobe Bryant at ng walong iba pa sa kabila ng masungit na panahon.
Ito ang lumalabas sa audio recording sa pagitan ng piloto at ng air traffic control ng Burbank Airport, bago bumagsak ang chopper sa mabundok na bahagi ng Southern California.
Batay sa imbestigasyon, binigyan daw ng special flight clearance ang S-76 helicopter upang lumipad mula Orange County patungong Los Angeles area kahit na makapal ang hamog.
Sinabi naman ng Air Support Division ng Los Angeles Police Department, hindi raw talaga lumilipad ang mga police helicopters sa ganitong mga kondisyon dahil sa panganib na dala nito.
Kaya naman, tingin ng mga opisyal sa Los Angeles na may ginampanang papel ang hamog sa aksidente.
Kaugnay nito, inanunsyo ng Los Angeles County Medical Examiner’s Office na tatlong bangkay na ang narekober mula sa crash site, ngunit walang nabanggit ukol sa pagkakakilanlan ng mga ito.
Matatandaang maliban kay Bryant at sa 13-anyos na anak nitong si Gianna, kabilang din sa mga sakay sa chopper Orange Coast College baseball coach John Altobelli, asawa nitong Keri, anak na si Alyssa at si Harbor Day School assistant coach Christina Mauser.
Kasama rin sa mga biktima ang batang player na si Payton Chester, ina nitong si Sarah, at ang pilotong si Ara Zobayan.