-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nakaburol na sa lungsod ng Bacolod ang isa sa mga piloto ng helicopter ng Philippine Air Force na bumagsak sa Capas, Tarlac nitong June 23.

Si Major Eraño Belen, 34-anyos, tubong Dumaguete City, Negros Oriental ngunit nakatira na ngayon sa Barangay Alijis, Bacolod City at binigyan ng military honors paglapag ng kanyang labi sa Bacolod Silay Airport.

Maalalang nagsasagawa ng night flight training sina Belen at limang iba pang crewmen nang bumagsak ang Black hawk helicopter at pawang namatay ang mga ito.

Ito ay kinabibilangan ng instructor pilot na si Lieutenant Colonel Rexzon Pasco, student pilot na sina Major Jayrold Constantino at Major Eraño Belen, instructor scanner na sina Master Sergeant Ronnie Reducto at student scanners na sina Sergeant Maricar Laygo, at Sergeant Leonardo Tandingan

Ang kanilang mga labi ay dinala sa Clark Air Base nitong Lunes at binigyan ng full military honors.

Una rito bumisita si Defense Secretary Delfin Lorenzaza sa kanilang lamay upang magpaabot ng pakikiramay sa pamilya bago iniuwi ang mga ito sa kani-kanilang hometown alinsunod sa hiling ng pamilya.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Philippine Air Force kaugnay sa helicopter crash.