ILOILO CITY – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na nakatulog ang helsman o timonel ng barko ng Cokaliong na MV Filipinas Cebu kung kaya’t sumadsad sa Igbon Island, Concepcion, Iloilo.
Ang timonel o “helmsman” ay ang nagmamaneho or nagsi-steer sa isang barko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commander Paterno Belarmino Jr. chief ng Coast Guard Station Iloilo, sinabi nito na lumabas sa kanilang imbestigasyon na habang naka-duty, nakatulog ang helsman kaya’t bumangga ang barko sa mga matatalim na bato sa nasabing isla.
Ayon kay Belarmino, hindi lang ang helsman ang dapat na managot sa pagsadsad ng barko kundi maging ang mga duty officers on board.
Sa ngayon, hawak muna ng Philippine Coast Guard ang 37 mga crew ng barko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nakadepende naman sa Maritime Industry Authority (MARINA) kung isususpende o ikansela ang lisyensya ng mga crew ng barko.
Napag-alaman na naka-alis na ang 223 mga pasahero ng barko.