Sinibak na sa pwesto ang chief of police ng Rodriguez, Rizal at ang 19 na iba pang pulis matapos mapatay ang isang bata sa isinagawang buy bust operations noong Sabado, June 29, 2019.
Ito ang kinumpirma ni PRO-4A regional police director Brig. Gen. Edward Carranza.
Sinabi ni Carranza, ililipat muna sa administrative office and holding unit ng Rizal Provincial Police Office si Lt. Col. Resty Damaso at ang 14 niyang mga tauhan, gayundin ang anim na pulis mula sa provincial intelligence unit.
Inatasan na rin ni Carranza na isuko ang mga baril ng mga pulis para isailalim sa ballistic test para malaman kung sino ang nakabaril sa bata na si Kateleen Myca Ulpina, na anak ng drug suspect na si Renato Ulpina.
Ang Calabarzon Regional Investigation and Detective Management Division ang mangunguna sa imbestigasyon sa kaso.
Kung maaalala napatay din sa operasyon ang pulis na si Senior M/Sgt Conrado Cabiga.
Nilinaw naman Carranza na hindi protocol sa police operation ang gumanti ng putok kapag may ginagamit na human shield ang suspek lalo na kung bata.
Giit ni Carranza, hindi nila gusto ang nangyari kaya para bigyang daan ang patas na imbestigasyon ay sinibak muna nila sa pwesto ang hepe ng bayan ng Rodriguez at ang mga sangkot na pulis.
Pinagpapaliwanag na ni Carranza ang lahat ng pulis na sangkot sa operasyon at aalamin ang mga pwesto nila nang mangyari ang engkwentro para matiyak kung sino ang nakabaril sa bata.
Hindi rin daw kasi ibig sabihin na porket nasawi si Cabiga sa engkwentro ay ito na ang nakabaril sa bata.
Pagtitiyak pa ni Carranza, mananagot ang nagkamaling pulis at sasampahan nila ito ng kasong reckless imprudence resulting in homicide.