BACOLOD CITY – Ni-relieve na ang station commander at lahat na miyembro ng Bacolod Police Station 3, halos dalawang linggo matapos matakasan ng apat na mga inmate dahil natutulog ang duty jailer at desk officer.
Sa kumpirmasyon ni Bacolod City Police Office (BCPO) Spokesperson Police Lt. Col. Ariel Pico, ngayong araw nag-take effect ang relief order ng hepe na si Police Major Ruel Culanag at lahat ng police officers kabilang na ang desk officer na si Police Corporal Orweyn Jade Nadado at duty jailer nga si Police Staff Sergeant Eric Olverio.
Si Culanag ay pinalitan ni PLt. Col. Levy Pangue, deputy city director for administration ng BCPO.
Una nang sinibak si PLt. Virgel Valdepeña bilang deputy station commander.
Sa ngayon, non-uniformed personnel na lang ang naiwan sa Police Station 3.
Kumuha naman ang BCPO ng 20 miyembro ng Mobile Patrol Group at tig-isa sa bawat police station sa lungsod upang pumalit sa Station 3.
Ayon kay Pico, nasa floating status ang station commander na si Culanag.
Nabatid na noong Enero 6 ng madaling-araw, tumakas ang mga inmate na sina Sunny Capa at Ely Lorence Sazon ng Purok Mahimulaton, Barangay Banago, Bacolod City; Michael Peñoso ng Purok Sigay, Barangay 2, Bacolod City at Jeffrey Gelongos ng Purok Riverside, Barangay Banago, Bacolod City.
Enero 7, naibalik sa kulungan sina Capa at Sazon matapos sumuko sa mga pulis samantalang si Peñoso naman ay nagpatulong sa Bombo Radyo upang sumuko sa otoridad.
Si Gelongos ang pinakahuling sumuko at pumunta ito sa BCPO headquarters noong Enero 8.
Ayon sa apat, walang nagbabantay noon Enero 6 kaya’t kanilang natapos ang pagputol sa bakal ng selda gamit ang lagari.
Sa imbestigasyon ng BCPO, sina Olverio at Nadado ay natulog sa admin office ng Police Station 3.