-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hamon para sa All Women City Mobile Force Company ang pananatili ng mga quarantine control checkpoints sa Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jane Abigail Bautista, Hepe ng All Women City Mobile Force Company, sinabi niya na bilang selebrasyon ng buwan ng mga kababaihan binigyang pugay ang kontribusyon ng mga babae sa kasalukuyang estado ng Santiago City.

Ayon sa PMajor Bautista malaki ang naging kontribusyon ng mga kababaihan sa paglaban sa laganap na sakit na COVID-19.

Patunay lamang ito na mayroong pantay na pagkilala ang lipunan sa kahit ano pa mang kasarian mayroon ang isang indibidwal.

Idinagdag pa ng hepe, na naging daan ang pagkakatatag ng kanilang himpilan bilang All Women City Mobile Force Company para magkaroon ng tiwala sa sarili ang bawat kababaihan at maipamalas ang pantay na kakayahan ng bawat isa.

Matatandaan na naatasang manguna sa pagbantay sa mga control points ang nasabing himpilan na kinabibilangan ng mga kababaihang pulis na may layuning mapanatili ang kapayapaan sa pagsasagawa ng checkpoint.

Nasubok din ang katatagan ng tanggapan sa mga nagdaang linggo matapos masangkot sa aksidente ang ilan nilang kawani na ikinasawi ng isa nilang kasamahan.