-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy pang pinaghahanap ang hepe ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng San Jose, Dinagat Islands province matapos tumaob ang sinasakyan nitong bangka sa karagatang sakop ng Surigao City.

Kinilala ni Philippine Coast Guard (PCG) Surigao del Norte commander Lawrence Roque ang na-missing na si SFO1 Albie Amparo habang nailigtas naman ang kasamahan nitong si FO1 Peter Greg Miranda at ang operator ng bangka na si Janjan Bulandrina.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Commander Roque na magpapahatid lang sana sa bayan ng San Jose sa Dinagat Islands ang dalawang mga bumbero dahil babalik na sana sa kanilang duty.

Ngunit pagkalipas ng isang oras matapos lisanin ang mainland Surigao pasado alas-sais kagabii ay hinampas sila ng naglalakihang alon at malakas na hangin na dala ng bagyong Rolly sanhi ng pagtaub nito.