VIGAN CITY – Sinampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ni Atty. Marty Torralba, kandidato sa pagka-board member sa unang distrito ng Camiling, Tarlac, ang provincial at municipal election officer kasama na ang chief of police ng nasabing bayan.
Si Torralba ay naging kontrobersyal nitong unang bahagi ng kasalukuyang buwan matapos sapakin si election officer Teddy Mariano ng Mayantoc, Tarlac.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Torralba na kinasuhan nito sina Mariano kasama na si Police Major Francis Magadia at Atty. Gilbert Almario dahil sa pagkamatay ng na-harass umanong tauhan nito noong April 8.
Aniya, ang nangyari sa kaniyang tauhan ang rason kung bakit niya sinugod at sinapak si Mariano.
Iginiit nito na ginagamit ng mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) sa Camiling ang kanilang posisyon upang gipitin siya lalo’t miyembro siya ng oposisyon.
Inamin din nito na hindi niya alam na si Mariano ang nakaupong election officer sa Mayantoc kaya niya ito nasapak.
Ayon kay Torralba, kahit hindi ito manalo sa darating na halalan ay itutuloy niya ang kasong kaniyang isinampa hanggang sa maglabas ng desisyon ang korte.