-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Target umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya terror group ang hepe ng Datu Piang PNP sa isinagawang pag-atake ng naturang armadong grupo sa Datu Piang, Maguindanao kagabi.

Ito ang kinumpirma ni 6th Infantry Division Philippine Army spokesperson Lt. Col. Anhouvic Atilano sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Atilano, nilusob umano ng nasa 50 miyembro ng terror group ang Datu Piang PNP dahil target ng kanilang pag-aatake si Police Capt. Israel Bayona, matapos umanong nakasagupa nito noon ang ilang pamilya na may kaugnayan sa BIFF at Dawlah Islamiya.

Una nang itinanggi ng opisyal na sinunog umano ang ilang mga gusali sa kasagsagan ng pag-atake ng mga terror group, maliban lamang sa police patrol car.

Sa ngayon idineklarang cleared na ang bayan ng Datu Piang matapos ang pag-atake.

Naka-heightened alert naman ang mga kapulisan at kasundalohan sa mga karatig bayan kasunod ng insidente.