Sinibak sa pwesto ang hepe ng Porac police station sa lalawigan ng Pampanga habang gumugulong ang imbestigasyon sa umano’y scam farm sa loob ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na ni-raid ngayong linggo.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ito ay para bigyang-daan ang imbestigasyon ng pambansang pulisya kung paano nakalusot sa pwersa ng kapulisan ang ilegal na operasyon ng naturang POGO hub sa bayan ng Porac.
Hindi na ibinunyag pa ni Col. Fajardo ang pangalan ng sinibak na hepe ng Porac Municipal Police Station.
Maliban dito, iimbestigahan din ng PNP ang lokal na pamahalaan ng Porac dahil pinayagang mag-operate ang POGO hub kahit na wala itong permit mula noong 2023.
Matatandaan nga na noong araw ng Martes, isinilibi ng mga awtoridad ang search warrant laban sa POGO hub base sa reklamo kaugnay sa umano’y nagaganap na human trafficking sa loob ng 10 ektaryang gusali.
Napaulat din na sangkot ang naturang POGO hub sa maraming criminal activities kabilang na ang human trafficking, sex trafficking, torture, kidnapping, at scamming.
Nasagip naman sa operasyon ang kabuuang 158 na dayuhan karamihan ay Chinese national habang nakatakas naman ang ibang mga indibdwal na nasa loob ng POGO hub matapos matiktikan ang ikinasang raid.