-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kontrobersyal ang isang pulis sa Iloilo matapos hinuli at kinulong ang isang lalaki dahil sa mistaken identity.

Una rito, dumulog sa Bombo Radyo ang isang pamilya upang ireklamo ang pag-aresto ni PLt. Dionisio Estacio, hepe ng San Joaquin PNP, kay Leogin Sapan.

Ayon sa tiyahin na si Marilou Santerva, ang nasa warrant of arrest ay si Lorecito Sapan na suspek sa kasong frustrated murder ngunit ang hinuli ng mga pulis ay ang kapatid na si Leogin.

Ayon pa sa tiyahin,may hawak silang court clearance sa Regional Trial Court sa bayan ng Guimbal na nagpapatunay na walang pending criminal case laban kay Leogin na nakakulong hanggang ngayon.

Depensa naman ng inirereklamong hepe na si Estacio,totoo na pangalan ni Lorecito ang unang nakalagay sa kaso bilang isa sa mga suspek ngunit napalitan na ito ng pangalan ni Leogin noong Nobyembre 2018.

Sa warrant of arrest naman na nakuha ng Bombo Radyo, pangalan pa rin ni Lorecito ang nakalagay.

Narito ang depensa ng hepe.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Atty. Joseph Celis, director ng National Police Commission (NAPOLCOM) Region 6 dahil sa kontrobersya.

Maging ang pamunuan ng Iloilo Police Provincial Office ay ipinag-utos na rin sa hepe ng magbigay ng paliwanag sa nasabing isyu.