GENERAL SANTOS CITY – Tuluyan nang pinatalsik sa puwesto ang hepe ng pulisya sa Datu Piang, Maguindanao upang hindi raw lalong mainis ang grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito ang sinabi ni Datu Piang Mayor Victor Samama Al Haj kasunod ng pagpapalabas ng kautusan ng pamunuan ng Maguindanao Provincial Police Office matapos lumabas sa imbestigasyon na si Datu Piang chief of police PCpt. Ismael Bayona ang target nina Karialan Saga Animbang at Kumander Sukarno Guilil alyas Motorola.
Sinabi ni Mayor Samama na noong gabi nang sumalakay ang mahigit 100 miyembro ng BIFF, sinisigaw ng mga rebelde ang pangalan ni Bayona.
Naniniwala ang karamihan na walang ibang pakay ang mga armado kundi ang hepe ng pulisya.
Dagdag pa nito na bago nangyari ang pagpasok ng BIFF, may ginawang operasyon ang pulisya para hulihin ang suspek sa paghagis ng granada sa police station at nabaril ng hepe ang suspek.
Kinasuhan umano ang suspek at nagbayad ng piyansa.
Nakuha umano sa crime scene mga basyo ng M14, M60 machine gun at caliber 50 machine gun.