LAOAG CITY – Sugatan ang kanang kamay ni Police Capt. Kristoffer King Ramos, ang chief of police sa Piddig, Ilocos Norte matapos lumusob ang isang lasing na lalaki sa loob mismo ng PNP station sa nasabing bayan.
Sa ekslusibong interview ng Bombo Radyo Laoag, ikwinento ni Ramos na nagulat na lamang sila dahil biglang dumating ang suspek na si Julio Sacramento, 53-anyos, magsasaka at residente sa Sitio Lubong, Brgy. Tonoton sa bayan ng Piddig.
Aniya, pinagsalitaan sila ng masasama ni Sacramento at tinangka pang suntukin si Ramos pero naiharang niya ang kanang kamay nito na siyang nasugatan.
Maliban dito, binasag pa umano ng suspek ang cover glass ng isa nilang lamesa.
Dahil dito, inaresto nila ang suspek at sasampahan ng patong-patong na kaso gaya ng malicious mischief, Direct Assault Upon An Agent of Person in Authority at Republic Act (RA) 11332, Section 9 hinggil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine dahil sa covid-19.
Samantala, sinabi ni Ramos na nung nahimasmasan ang suspek mula sa kalasingan nito ay agad humingi ng tawad sa kanila pero itutuloy pa rin nila ang kanilang reklamo laban dito.