GENERAL SANTOS CITY – Pinalitan na ang hepe ng Regional health services ng Police Regional Office-12 matapos mahuli sa entrapment ang isang tauhan nito sa pangingikil ng P50,000 sa isang PNP applicant.
Ito ay matapos dumating sa lungsod si Lt. Col. Johanna delos Santos mula sa Kampo Krame na hahalili kay Lt. Col. Perfecop Yu na iniimbestigahan na sa Krame.
Ayon kay Delos Santos na nagpatuloy ang imbestigasyon kay Master Sergeant Arnel Abellera na hawak ngayon ng Kampo Lera matapos inireklamo ng kapatid ng PNP applicant na residente ng Pres. Quirino, Sultan Kudarat.
Dahil umano tauhan ni Lt. Col. Yu ang inireklamong pulis ay ni-relieve ito sa pwesto dahil sa command responsibility.
Una rito, hinuli ng Integrity Enforcement Monitoring Group mula sa Kampo Krame noong Lunes ang suspek sa loob ng isang fast food chain nang tanggapin nito ang marked money.
Kapalit umano sa nasabing pera ang nuero examination na isa sa requirement sa PNP recruitment.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Elesio Rasco, regional director ng PRO-12 na hindi niya kukunsintihin ang maling gawain ng sinuman sa kanyang tauhan dahil na rin sa PNP cleansing na mandato ni Director General Oscar Albayalde.