-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Police Captain Allen June Germodo, hepe ng Tabuelan Cebu Police station ang akusasyon na sangkot umano ito sa ilegal na gawain ng pamilya ni Congressman Arnie Teves na siyang itinuturong mastermind sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa isang panayam, sinabi ni Germodo na handa itong magtungo sa Senado para magpaliwanag at linisin ang kanyang pangalan sa nasabing alegasyon.

Sinabi pa nito na matagal na umano siyang hindi nakabalik sa Negros Oriental at huli siyang na-assign doon ay noong pang 2021 kaya imposible pa umano ang mga paratang laban sa kanya.

Naging hepe siya ng Sta Catalina noong 2020 at naging hepe rin ng Zamboanguita noong 2021.

Nauna na ring tumestigo si Siaton Mayor Fritz Diaz laban sa ilang sakop ng pulisya at sa mga Teves sa isinagawang Senate Hearing ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Pinangalanan pa ni Diaz si Germodo na umano’y nagsilbing bagman na siyang nagbibigay ng pera mula sa STL at e-sabong sa iba pang mga pulis at aniya ay may mga saksi din umano sa gawain nito.

Samantala, hinihintay na lamang ng Cebu Provincial Police Office (CPPO) kung ano ang mga hakbang na gagawin ng mga nakatataas na opisyal ng pulisya matapos masangkot ang isa sa mga hepe dito sa napaulat na ilegal na aktibidad ng kampo ng Teves sa Negros Oriental.