CEBU CITY – Pagtatanggal sa bansag na “shabu city capital of the Philippines” ang unang tututukan ng bagong hepe ng Talisay City PNP na si Major Orlando Carag, Jr.
Sa kanyang turnover ceremony, sinabi ni Carag na alam na nya ang problema sa lungsod ng Talisay kung saan talamak umano ang iligal na droga.
Ayon kay Carag, ang pakikipaglaban sa iligal na droga ang una niyang pagtutuunan ng pansin upang mawala ang naturang bansag sa isipan ng mga taga-Talisay City.
Dagdag pa ni Carag, malaking hamon ang kanyang hinaharap ngayon bilang bagong hepe kaya naman sisikapin nyang ituloy ang mga nasimulan ng dating hepe na si Lt. Col. Marlu Conag.
Kung maalala tinawag ni Presidente Rodrigo Duterte ang lungsod ng Talisay bilang hotbed ng shabu sa Cebu dahil sa talamak umanong bentahan ng iligal na droga.
Kasalukuyang naka-destino ngayon si Conag bilang bagong hepe ng Provincial Intelligence Branch – Drug Enforcement Unit ng Cebu Provincial Police Office (CPPO).