-- Advertisements --

Hangad umano ni Herbert Bautista sa tinawag nitong kaibigan na si Kris Aquino na magpagaling at kumain ng marami.

Pahayag ito ni Bistek dalawang linggo mula nang magpasaring ang kinikilala noon bilang Queen of All Media laban sa kanyang “ex” habang nasa campaign sortie ni Vice President Leni Robredo.

Sa hugot line ni Kris, naging paksa ang koneksyon daw ng paghahanap ng karelasyon sa pagpili ng boto na dapat aniya ay para sa reliable o maaasahan, bagay na hindi raw taglay ng kanyang ex bagama’t hindi naman niya ito direktang tinukoy.

Bagama’t ipinagtanggol na rin ng kanyang rumored girlfriend na si Ruffa Gutierrez sa pagsasabing “be kind to your ex,” idinaan ng dating Quezon City mayor ang buwelta nang dumalo sa proclamation rally ng UniTeam.

Ayon sa 53-year-old actor turned politician, baka naman daw ibang tao ang tinutukoy ni Kris sabay banggit sa sinusulong na kasabihan ng kanilang grupo na “pag ikaw ay binato ng bato, batuhin mo ng burger.”

“Nanginginig yung tuhod ko, baka awayin ako,” natatawang sambit ni Bautista. “Malaki ang respeto ko sa pamilya mo at saka sa ‘yo. At ang aking pagmamahal sa ‘yo… bilang kaibigan, ay hindi na mawawala. So, pagaling ka and kain ka ng marami.”

Kung maaalala, nakikipaglaban ang 51-year-old TV host/actress sa isang auto-immune disease na dahilan ng pagbagsak ng kanyang katawan.