-- Advertisements --

NAGA CITY – Malinaw na nakamit na umano ng lungsod ng Naga ang herd immunity sa COVID-19.

Ito ay dahil na rin sa bilang ng mga nabakunahan na laban sa nasabing sakit na naging dahilan rin upang tuluyan ng bumaba ang mga naiirehistrong kaso ng virus sa lugar.

Ang nasabing development ay ayon na rin sa datos na pinalabas ng Department of Health, kung saan ito rin umano ang naging dahilan upang paunti-unti nang payagan ang pagsasagawa ng social gathering sa lungsod maging ang pagkakasailalim nito sa Alert Level 1.

Pinunto rin ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sa naging pagharap nito sa mga kagawad ng media, na nakamit na ng syudad ang 70% na target population na mabakunahan.

Sa kabila nito, pinagsusumikapan naman umano ng LGU na mas malampasan pa ang nasabing porsyento sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng mga vaccination program sa lugar.

Ayon pa sa alkalde, maliban sa JMR Colliseum, nag-aarange pa ang LGU ng iba pang mga vaccination venues na posibleng gamitin sa pagbabakuna.

Sa ngayon, umaasa na lamang ang alkalde na magpapatuloy ang magandang sitwasyon ng lungsod at mananatili na ito sa mababang alert level status upang maisagawa na rin ang iba’t-ibang religious activities hindi lamang para sa paparating na semana santa kundi maging ang pinakaaabangang Peñafrancia Festival pagdating ng buwan ng Setyembre.