Asahang sa Nobyembre pa raw makakamtan ang herd immunity sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na probinsiya.
Ayon kay Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang kanilang pagtaya na 180 days ay base na rin sa supply chain experts na umaalalay sa mass vaccination program.
Ang pahayag ni Galvez isang araw matapos nitong ilabas ang listahan ng mga areas na prayoridad na mabigyan ng doses dahil sa kakaunting suplay ng mga bakuna.
Kabilang sa mga lugar na ito ay NCR, Calabarzon at Central Luzon.
Aniya, kailangan daw ng bansa ang 15 million doses ng COVID-19 vaccines kada buwan para mabakunahan ang 70 percent ng kabuuang populasyon para makamit ang herd immunity bago magtapos ang taon.
Dagdag niya dapat ay magkaroon ng 25,000 hanggang 50,000 vaccinators na tutulong sa pag-administer ng gamot laban sa COVID-19.
Kailangan din umano ang 5,000 vaccination sites para sa target na 100 na mababakunahan kada araw.
Sa ngayon, nasa 1.6 million Filipinos na ang nabakunahan mula nang simulan ng pamahalaan ang immunization campaign noong buwan ng Marso.