-- Advertisements --

Itinuturing ngayon na isang bayani ang aso na umano’y may malaking parte sa pagkakapatay kay ISIS leader Abu Bakr al-Baghdadi.

Ibinahagi ni President Donald Trump sa kaniyang personal social media account ang larawan ng nasabing aso na ipinadala raw sa tunnel na pinagtataguan ni Baghdadi matapos mabatid ng mga otoridad na may suot itong suicide vest.

Ayon pa sa pangulo, nasira ang tunnel dahil sa lakas ng pagsabog na naging dahilan din upang madamay ang tatlong bata.

Dagdag pa nito, parte ng Army Delta Force ang aso at kasalukuyan na nagpapagaling matapos magtamo ng sugat sa kaniyang katawan dahil sa ginawa nitong paghabol kay Baghdadi.

Nananatili namang misteryo ang pangalan ng K-9 at kung sino ang handler nito.

Hindi ito ang kauna-unahang beses na gumamit ang American armed forces ng mga aso bilang backup sa kanilang operasyon.

Taong 2011, isang K-9 dog na pinangalanang Cairo ang nagsilbing bantay sa lugar kung saan napatay ng Navy SEALs ang kilalang terorista rin na si Osama bin Laden.