-- Advertisements --

ANGELES, Pampanga – Tatayong flag bearer ng Team Philippines sa closing ceremony ng 30th Southeast Asian Games sa darating na Miyerkules, Disyembre 11 ang surfer na si Roger Casugay.

Kumpirmasyon ito ni Team Philippines deputy chef de mission Stephen Fernandez sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Philippines.

Ayon kay Fernandez, mismong si Philippine Sports Commission Chairman at chef de mission William Ramirez ang mismong pumili kay Casugay bilang tagabitbit ng bandera ng bansa sa seremonya.

“It was our CDM, Chairman William Ramirez who chose him and mentioned… he’s a hero who exemplifies true human spirit,” saad ni Fernandez. “A role model for all [and] an example to all Filipinos.”

Kaugnay nito, sinabi naman ni Ramirez na magbibigay daw ng special plaque of recognition at cash incentive ang PSC kay Casugay sa araw ng Biyernes.

“I will include Roger in our awarding in Malacañang to meet the President,” wika naman ni Ramirez.

Matatandaang si Casugay ang nagligtas sa Indonesian na si Arip Nurhidayat nang maanod ito ng malalakas na alon sa kalagitnaan ng kanilang men’s longboard competition sa La Union.

Kalaunan ay naibulsa rin ni Casugay ang gintong medalya sa nasabing event.

Umani naman ito ng kabi-kabilang papuri mula sa publiko, at maging kay Indonesian President Joko Widodo.

Gaganapin ang closing rites ng SEA Games sa New Clark City Stadium sa bayan ng Capas, Tarlac.