Nakabalik na sa bansa si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog matapos ang halos pitong taong pananatili sa ibang bansa.
Ang kanyang pagbabalik ay matapos ma-tag bilang isang narco-politician noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, bandang 11:00 AM, Setyembre 10, 2024, sakay ng Cathay Pacific flight mula New York, United States, sinalubong si Mabilog ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na boluntaryong sumuko si Mabilog sa mga tauhan ng NBI-NCR.
Ayon kay Santiago, inihain kay Mabilog ang warrant of arrest dahil sa mga paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Code of Conduct and Ethical Standards. Ang warrant of arrest ay naisilbi sa NAIA Terminal 3 ng NBI-IAID sa Pasay City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI-IAID si Mabilog, kung saan sumasailalim sa proseso.
Dinala siya sa Sandiganbayan at nagpiyansa sa halagang P90,000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Si Mabilog ay napaulat na kabilang sa mga inimbitahang Resource Persons na inaasahan sa muling pagpapatuloy ng Quad Committee House Probe sa Huwebes.