Umigting pa ngayon ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng militanteng Hezbollah at Israel.
Matapos ang serye ng mga pagsabog sa magkasunod na araw sa Lebanon na nag-iwan ng 37 nasawi at libu-libong sugatan, naglunsad na rin ang militanteng grupong Hezbollah ng 17 pag-atake sa loob lamang ng isang araw laban sa mga sundalo ng Israel, military vehicles at settlements sa northern Israel. Ito na ang pinakamalaking operasyong ikinasa ng grupo mula noong Hunyo.
Kabilang sa pinunterya ng kanilang rocket salvos ang mga base militar ng Israel sa Liman, Adamit, Shomera, Matat at ang headquarters ng 810th Hermon Brigade sa Ma’ale Golani barracks.
Tinarget din ng militanteng grupo ang artilery positions ng Israeli military sa Beit Hillel gamit ang drones, na punterya ang lokasyon ng mga opisyal at sundalo at tinamaan din ang bagong tatag na command post para sa Western Brigade sa Yara settlement at iba pang military site ng Israel.
Samantala, sa panig naman ng Israel, iniulat nito na tinamaan ng kanilang pwersa ang daan-daang targets sa loob ng Lebanon, ilang oras matapos mangako ang Hezbollah leader na maghihiganti sila sa nangyaring mga pagpapasabog sa kanilang pager at walkie talkie na ikinasawi ng kanilang mga miyembro.
Ilang oras matapos ang pagbabanta ng Hezbollah leader, tinamaan ng jets ng Israeli military ang tinatayang 100 launchers at karagdagang terrorist infrastructure sites.
Ayon din sa state-run news agency ng Lebanon, tinamaan ng Israel ang timog na bahagi ng Lebanon ng 52 beses.