CAGAYAN DE ORO CITY – Hawak na ngayon ng gobyerno ang ilang assets na pagmamay-ari ng mag-asawa na hinihinalang bigtime drug suppliers na mayroong koneksyon sa kilabot na “Kuratong Baleleng” Drug Group na nakabase sa Brgy. Patag, Cagayan de Oro City.
Una rito, isinilbi ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP ang freeze order ng Court of Appeals (CA) laban kay Rico Bacon upang hindi maibenta ang multi-million na halaga ng ari-arian nito na nakuha mula sa kinikita ng illegal drug operations sa Northern Mindanao at BARMM regions.
Inihayag ni PDEA-10 Director Emerson Rosales na bagama’t napatawan na ng guilty verdict ng korte ang akusado na umano’y miyembro ng Parojinog Drug Syndicate ng Ozamiz City ay pinatitiyak ng gobyerno na hindi na magagamit pa ang nasabing mga assets para sa paglaganap ng illegal drugs distribution.
Sinabi ni Rosales patunay lamang ito na hindi inihinto ng law enforcement agencies ang pagtugis laban sa illegal drug syndicates kahit naaresto o kaya’y nahatulan na ang ilan sa mga sangkot dito.
Noong 2017 nang inilunsad ni dating regional director at kasalukuyang PDEA Director General Wilkins Villanueva ang operasyon laban kay Bacon kung saan nakunan ng ilang sachet ng ilegal drugs noon at mga baril sa siyudad.