BACOLOD CITY – Napiling maging inspirational speakers ng Philippine Olympic Committee (POC) sina Hidilyn Diaz at Nesthy Petecio para sa kanilang kauna-unahang POC Webinar series.
Ito ay upang maipaabot sa lahat ng mga athleta ang mga paraan kung paano manatiling malusog sa panahon ng pandemic lalo na’t karamihan sa kanila ay hirap makapag-ensayo ngunit kailangan pa ring makapag handa sa 2021 Tokyo Olympics.
Sa paglalahad ni 2019 AIBA Women’s Boxing World Champion Nesthy Petecio sa Star FM Bacolod, alam umano niyang iba’t iba ang hirap na nararanasan ngayon ng mga kapwa niya atleta para lang makapag-ensayo ngunit hindi sila dapat sumuko at patuloy lang sa paggawa ng paraan upang manatiling malusog at ligtas habang pinaghahandaan ang kanilang mga laro.
Sa kabila ng pagnanais na makauwi rin ni Petecio sa kanyang pamilya sa Davao ay gusto niya ring ipaalam sa mga kapwa athleta na hindi sila nag-iisa, lalo pa sa mga stranded ngayon sa ibang bansa at ibang lugar dito sa Pilipinas.