Hindi umano masisilayan sa opening ceremony ng 30th Southeast Asian (SEA) Games ang Olympic weightlifter na si Hidilyn Diaz.
Isa kasi si Diaz sa mga naatasang maging flag bearers sa nasabing okasyon, na idaraos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa pagbubunyag ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella sa panayam ng Bombo Radyo, ito raw ay dahil masyadong tutok si Diaz sa kanyang pagsasanay para sa kanyang pagsabak sa SEA Games.
Kasalukuyang nasa Taiwan si Diaz bunsod ng halos isang buwang “isolation training” kasama ang kanyang coach na si Kaiwen Gao.
Una nang siniguro ni Diaz na kahit nahaharap ito sa ilang mga problema kaugnay ng kanyang training, preparado na raw ito para sa weightlifting competitions na gaganapin sa Rizam Memorial Sports Complex sa lungsod ng Maynila mula Disyembre 1 hanggang 4.
Maliban kay Diaz, una na ring napili bilang mga flag bearers sina Asian Games skateboarding gold medalist Margielyn Didal; world boxing champion silver medalist Eumir Marcial; Olympic pole-vaulter EJ Obiena; world champion boxer Nesthy Petecio; at SEA Games judo champion Kiyomi Watanabe.