Humiling ngayon ng tulong financial ang Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz kasabay ng kanyang paghahanda para sa pagsabak nito sa Tokyo Olympics sa susunod na taon.
Sa kanyang Instagram Stories, isiniwalat ng 28-year-old Olympian ang kanyang kasalukuyang sitwasyon.
“Is it okay to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020? Hirap na hirap na ko, I need financial support,” pag-aamin ni Diaz.
Binigyang-diin ng Zamboanga native na bagama’t hindi ito ang nais nitong paraan para mangalap ng suporta, ginawa niya ito para sa kanyang pangarap na masungkit ang unang gold medal ng bansa sa Olympics.
“Nahihiya kasi ako, pero try ko kapalan mukha ko para sa minimithi kong pangarap para sa atin(g) bansa na maiuwi ang Gold Medal sa Olympics,” ani Diaz.
Nitong nakalipas na mga taon ay makailang beses nang sumabak si Diaz sa ilang mga international tournaments.
Tinuldukan ni Diaz noong 2016 ang pagkauhaw ng bansa sa medalya sa Olympics nang makasungkit ito ng silver sa Brazil.
Maliban din sa ginto noong 2018 Asian Games sa Indonesia, kumolekta rin si Diaz ng tatlong silver medals sa 2019 Asian Weightlifting Championships sa China.