Nakatuon na lamang ngayon ang atensiyon ni Filipina weightlifter Hidilyn Diaz sa pagdepensa ng kaniyang titulo sa SouthEast Asian Games (SEA Games) at Asian Games 2022.
Ito ay matapos na umatras siya sa 2021 World Weightlifting Championships na gaganapin sa Tashkent, Uzbekistan mula Disyembre 7-17.
Ayon kay Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella na nirerespeto niya ang desisyon na ito ni Diaz dahil sa mayroon lamang itong maikling panahon para makapag-ensayo.
Magpapadala na lamang aniya ang bansa ng ibang mga pambato sa pamamagitan nina Asian champion Vanessa Sarno, SEA Games Champion Kristel Macrohon, Olympian Elreen Ando at Mary Grace Diaz.
Noong Setyembre pa sana ang orihinal na plano ni Diaz na magtungo sa Malaysia para doon mag-ensayo subalit ito ay naantala kaya ngayon buwan pa lamang ito muling nagsimula ng ensayo.
Dahil dito ay naghahanda na ang kauna-unahang Pinay Olympic gold medalist sa pagsabak sa SEA Games sa Vietnam na gaganapin sa Mayo 2022 at sa Hangzhou Asian Games sa Setyembre 2022.