BACOLOD CITY – Nagpasalamat si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz sa resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Negros Occidental na nagdeklara sa kanya bilang adopted daughter ng lalawigan.
Sa kanyang pagbisita sa Negros Occidental, binasa ni Negros Occidental administrator Atty. Rayfrando Diaz ang resolusyon na ipinasa ng Provincial Board nitong linggo na kumikilala sa weightlifter.
Ang Resolution Number 0751 series of 2021 ang nagdedeklara ng titulo bilang “adopted daughter” sa atleta, lalo na at ang Negros Occidental ang ikalawang lalawigan na pinuntahan nito matapos na makabalik dala ang gintong medalya mula sa 2020 Tokyo Summer Olympics.
Ayon sa provincial administrator, malaking karangalan para sa probinsya na maging bisita ang itinuturing nitong imortal na atleta.
Paliwanag nito na imortal si Hidilyn dahil mananatili itong nakatatak sa kasaysayan ng bansa at ganon na din sa kasaysayan ng lalawigan ng Negros Occidental.
Dagdag pa nito na ang parangal at pagkilala sa atleta ang pamamaraan lang upang maibalik ang prebilihiyo na ibinigay nito sa probinsya.
Nakalagda sa resolusyon sina Negros Occidental Governor Eugenio Jose “Bong” Lacson, Vice Governor Jeffrey Ferrer at provincial secretary Atty. Macky Astalon.
Si Hidilyn ay mananatili sa Negros Occidental hanggang bukas dahil maliban sa pagbisita nito, magpapatuloy din ang kanyang training sa lalawigan para naman sa nakatakda nitong susunod na laro sa Disyembre.