Formality na lamang sa pagsali nito sa Tokyo Olympics ang pagsabak ni Filipina weightlifter Hidilyn Diaz kaya ito nasa Tashkent, Uzbekistan.
Sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) President Monico Puentevella, na nasa Tashkent na si Diaz kasama ang dalawang coaches nito.
Magaganap ang Asian Weightlifting Championship sa Uzbekistan mula Abril 16-25.
Dagdaga pa nito na ang ranked number 2 sa buong mundo at silver medalist ng 2016 Rio Olympics ay hindi na kailangan pa na mangibabaw sa torneo sa Uzbekistan para makakuha ng Olympic spot sa Women’s 55-kilogram division.
Kailangan lamang niyang tapusin ang mga qualifying tournament para ito ay pormal na makapaglaro sa Olympics na magsisimula sa Hulyo 23 sa Tokyo.
Ilan sa mga tiyak na kasama sa Olympics ay sina boxers Eumir Marcial, Carlo Paalam, Neshty Petecio at Irish Magno, EJ Obiena ng pole vaulting at Carlos Yulo ng gymnastics.