-- Advertisements --

Todo pasalamat si Olympian weightlifter Hidilyn Diaz sa natanggap nitong tulong pinansyal para sa kanyang nalalapit na kampanya sa 2020 Tokyo Olympics.

Natanggap ni Diaz ang sponsorship package sa paglagda nina Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez at Phoenix Petroleum vice-president Raymond Zorilla sa memorandum of understanding sa isang seremonya na ginanap sa Malacanang.

Ayon kay Diaz, malaking bagay ang natanggap nitong P2-milyon sa naturang pribadong kompanya upang makamit na ng Pilipinas ang inaasam-asam na gintong medalya sa prestihiyosong torneyo.

Maliban dito, may makukuha ring P48,000 monthly allowance si Diaz mula sa PSC maliban pa sa pabahay, pagkain, at foreign training allowance.

Ani Diaz, sapat daw ang kanyang mga natatanggap na tulong mula sa gobyerno at sa private sectors.

“Hindi ko ito kaya mag-isa,” wika ni Diaz. “Mahirap mag-qualify sa Olympics but I am committed to win and do my best.”

Nitong Hunyo nang umapela ng tulong ang 28-year-old Olympian kaugnay sa kanyang preparasyon sa Olympics.

Samantala, sinabi naman ni Ramirez sa panayam ng Bombo Radyo na si Diaz ang “best Filipino athlete” sa kasalukuyan.

“Based on the record, the last medals she got were the silver medal during the 2016 Rio Olympics, and the gold medal last 2018 Asian Games. At the moment, there’s no Filipino who have those kinds of medals,” ani Ramirez.