Tiniyak ng Malacañang na hindi magkakaroon ng epekto sa mga Pilipino sa Canada ang naging hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pauwiin ang ambassador at consul ng Pilipinas doon pabalik dito sa bansa.
Ang hakbang na ito ng DFA ay bunsod ng kabiguan ng Canada na matupad ang May 15 deadline sa kanila para hakutin ang mga basura sa bansa noon pang 2014.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kung ligal naman ang pananatili ng mga Filipino migrants sa Canada ay walang magiging problema.
Ayon kay Sec. Panelo, kailangan din ng Canada ang mga Pilipino doon kaya hindi nila nakikitang magkakaroon ng epekto sa ating mga kababayan ang isyu kaugnay sa tone-toneladang basura sa pagitan ng Pilipinas at Canada.
Aminado naman ito na nagkaroon na ng problema o lamat sa relasyon ng dalawang bansa at patunay o indikasyon dito ang ginawang pag-recall sa mga opisyal ng DFA na nakatalaga sa Canada.
“Hindi naman siguro. Wala namang—I don’t think magkakaroon ng problema doon, kasi iyong mga nandoon naman eh legal – at kailangan din ng mga overseas workers natin,” ani Sec. Panelo.