KALIBO, Aklan—Muling kinilala bilang kampeon sa ikalawang magkasunod na taon ang bayan ng Ibajay sa ginanap na Higante Parade and Contest na inorganisa ng Aklan provincial government bilang bahagi ng selebrasyon ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2024.
Nasa ikalawang pwesto naman ang bayan ng Kalibo; sumunod ang munisipalidad ng Balete; Tangalan at ang bayan ng Buruanga.
Ang mga nasabing lokal na pamahalaan ay tumanggap ng premyong nagkakahalaga ng P200,000 para sa 1st place, P150,000 para sa 2nd place, P120,000 para sa 3rd place, P100,000 para sa 4th place, at P80,000 para sa 5th place.
Samantala, tumanggap naman ng P60,000 na consolation prize ang iba pang bayan na lumahok sa nasabing aktibidad.
Naging panauhing pandangal sa naturang event ang social media influencer at negosyanteng si Small Laude kasama ang kaniyang asawa na si Philip Laude.
Sa kabilang dako, inaabangan na ngayong umaga ang street dancing ng iba’t ibang tribu at grupo na inaasahan naman na dudumugin ng libu-libong mga merry makers, turista at bakasyunista.
Ngayong araw ng Sabado ang bisperas ng itinuturing na Mother of All Philippine Festivals.