-- Advertisements --

Pinag-iingat ngayon ang mga residente ng lalawigan ng Palawan at Basilan dahil sa nakatakdang maglunsad ang China ng kanilang long march 8A rocket ngayong araw, Pebrero 11, mula sa Wenchange Spacecraft launch site nito sa Hainan, China sa pagitan ng 9:22 a.m at 10:16 a.m, ayon sa Philippine Space Agency.

Sa pagtataya ng Office of the Civil Defense (OCD) ang naturang pag launch ng rocket ay nakatakda sana noong Enero 25 ngunit ipinagpaliban ito at inilipat ngayong araw ng Martes.

Bukod dito mayroong tatlong itinalagang drop zone ang China kung saan babagsak ang mga debris ng naturang rocket na una ay tinatayang nasa 85 nautical miles mula sa Rozul Reef.

Pangalawa, tinatayang nasa 40 nautical miles mula Puerto Princesa , Palawan at ang pangatlong drop zone ay tinatayang 33 nautical miles mula Hadji Muhtamad, Basilan.

Nagabiso rin ang Philippine Space Agency sa publiko na huwag lapitan o subukang kunin ang anumang debris mula sa rocket dahil ito aniya ay maaaring maglaman ng mga nakakalason na kemikal.

Kung kaya’t sinabi ng ahensya na makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad kung may makitang mga debris sa lugar at inirekomenda ang paggamit ng Personal Protective Equipment (PPE).

Dagdag pa dito na maging alerto aniya ang mga residente sa lugar para sa inyong kaligtasan.