-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mahigpit ang ginagawang monitoring ng Department of Health (DOH) Region 12 sa mga bahay-pagamutan kaugnay sa isyu pa rin ng pinangangambahang novel coronavirus.

Ito’y matapos itaas na sa high alert status ng naturang tanggapan ang lahat ng mga ospital at medical facilities sa rehiyon dahil sa nakakamatay na sakit.

Ipinaliwanag ni DOH-12 Health Education and Promotion Officer Arjohn Gangoso na upang matugunan ang naturang problema sa kalusugan ay nagsasanay na ang mga staff ng mga pampubliko at pribadong ospital sa buong rehiyon upang kaagad marespondehan ang sinuman na may pinaniniwalaang may kaso nito.

Mahigpit rin aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Quarantine sa mga entry points sa rehiyon kabilang na ang mga pantalan, paliparan at mga terminal.

Dagdag ni Gangoso na kahit wala pang suspected cases o person under investigation (PUI) ng nCOV sa Soccksargen ay dapat ugaliin ang paghuhugas ng kamay at healthy lifestyle upang makaiwas sa sakit.

Pinaalahanan naman nito ang mga kababayang nangibang bansa at natuklasang may mataas na lagnat, sipon ,hirap sa paghinga at ubo na kaagad dumulog sa pinakamalapit na ospital o health center.