CAGAYAN DE ORO CITY -Nasampahan na ng kasong paglabag ukol sa Republic Act 10591 o pag-iingat ng mga hindi lisensiyado na mga baril ang dalawang magsasaka sa Barangay San Antonio,Talakag,Bukidnon.
Ito ay matapos nabigo ang mga suspek na sina Joven Dacles,55 at Rey Abisado,54 na makapagpakita ng kaukulang mga dokumento sa mga baril na nakompiska ng raiding team mula sa kanilang magkaiba na bahay na tinutuluyan sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni CIDG -10 regional chief Lt Col CholiJun Caduyac na kabilang sa mga nabawi mula mga suspek ang M-16;tatlong caliber point 22 rifles at dalawang caliber 45 pistols.
Nakumpiska rin ang ilang magazines ng mga nabanggit na baril na puno pa ng mga bala.
Sinabi ni Caduyac na ilang sa mga baril ay mayroon palang mga dokumento subalit napabayaan at hindi na na-renew ng mga suspek.
Inaalam rin ng PNP kung mayroong nasangkutan na anumang kriminalidad ang mga suspek kaya nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Iginiit naman ng mga suspek na hindi sa kanila ang mga baril at kailan man ay hindi sila nasangkot sa kahit anumang uri ng kremin sa kanilang lugar.