-- Advertisements --

CEBU CITY – Tuluyang nasuspinde ang permit ng isang bar na nasa ika-22 palapag ng isang gusali sa Barangay Luz, Lungsod ng Cebu.

Nabatid na aabot sa 112 na indibidwal ang pinagmulta dahil sa paglabag sa curfew kung saan naaktuhan silang nag-iinuman sa loob ng naturang bar na “high class” pa man din nitong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa Cebu City PROBE Team head na si Raquel Arce, tig-P500 bawat isa ang multa laban sa mga curfew violators dahil sa sobrang dami habang ang mga walang pambayad ay pinag-community service.

Kaugnay nito, agad inisyuhan ng show-cause order ng Cebu City Business Permit and Licensing Office ang nasabing bar.

Binawi rin ni Emergency Operations Center Head Cebu City Councilor Joel Garganera ang “license to serve to liquor” para ma-imbestigahan ang sikat na bar.

Samantala, ibinunyag ni Cebu City Police Office, City Intelligence Unit Head P/Lt.Col Randy Caballes na isang concerned citizen ang nag-tip sa kanila hinggil sa paglabag sa quarantine protocols kaya naikasa ang Oplan Bulabog.