Tiniyak ni PNP chief police Director General Ronald dela Rosa na nananatiling mataas ang morale ng PNP lalo na ang mga pulis na nakikipaglaban sa teroristang Maute sa Marawi City.
Inihayag ito ni Dela Rosa matapos harapin ang pwersa ng mga pulis na magsisilbing reinforcement sa Marawi.
Siniguro ni Dela Rosa na hindi nila hahayaan kasama ang AFP na mapasakamay ng kalaban ang siyudad.
Kahapon pinaghahanda ni PNP chief ang mga regional public safety battalion para sa posibleng deployment sa Marawi sakaling kakailanganin ang dagdag na pwersa.
Mensahe naman ni Dela Rosa sa kanyang mga tauhan na huwag matakot na sumabak sa bakbakan dahil kung mamamatay man sa labang ito ay mamamatay silang nakikipaglaban para sa bayan.
Binigyang-diin ni PNP chief na proud sya sa kanyang mga tauhan na buong tapang na haharap sa teroristang grupong ilang araw nang naghahasik ng karahasan sa Marawi.
Sa ngayon tatlong pulis ang nasawi sa Marawi crisis at tatlo din ang sugatan.
Samantala, lalo pang lumiliit ang lugar na pinagtataguan ngayon ng Maute terror group sa Marawi City.
Ayon kay AFP spokesperson BGen. Restituto Padilla dahil dito hindi malayo na malapit ng mapuksa ng militar ang teroristang grupo.