Naalarma na ang grupo ng mga doktor dahil sa patuloy na nalalagas ang ilan sa kanilang hanay habang nangangalaga sa mga pasyente na tinamaan ng coronavirus pandemic.
Ito ay makaraang maiulat ang ika-12 na namatay na doktor na bahagi ng mga frontliners.
Kabilang sa huling pumanaw na pasyente ay mula sa Cebu City na isang pathologist.
Ayon sa Philippine Medical Association (PMA) nakakabahala na ang sitwasyon dahil masyado raw mataas ang mortality rate na ito na umaabot na sa 17.6 % na case fatality mula sa mga medical doctor.
Dahil dito naglabas ang PMA ng advisory para sa mga COVID-19 frontliners bilang mga dagdag na paalala.
“The high mortality rate of medical doctors representing 17.6% case fatality due to COVID-19 is very disturbing,” bahagi pa ng PMA advisory.
Kasama rin sa abiso ang kanilang apela at hinaing dahil sa kakulangan ng mga personal protective equipment.
Dahil dito lumalabas aniya na ang mga hospital at health care facilities ay nagiging “major battlegounds” sa pagkalat ng infections hindi lamang sa general community setting.
Nagpadagdag sa pagiging delikado ng mga frontliners ay dahil may ilang mga pasyente umano ang hindi nagsasabi ng husto o kaya non-disclosure ng kanilang personal medical history lalo na ang may exposure o kaya travel history.
“COVID-19 is a very contagious, has no known cure or vaccine and the lack of Personal Protective Equipment (PPEs), further adds to the risk of our frontliners.”
Kabilang dito sa paalala ng PMA sa mga doktor, maaari silang tumanggi na magbigay ng medical service o partikular na ang mag-intubate ng isang COVID positive lalo na kung walang sapat na suot na PPE.
Pero dapat gumawa pa rin daw ng paraan para makahanap ng improvised PPE.
Maging ang mga doktor na edad 60-anyos pataas ay labis ding pinag-iingat sa pagharap sa kanilang mga pasyente.
Todo paaalala pa ang PMA sa mga health workers na pag-ibayuhin ang pagsusuot ng mga face masks at paglalagay ng PPEs kahit na nagkukulang.
Kasabay din nito ang apela sa gobyerno na sana magkaroon ng mass testing sa mga frontline doctors, nurses at iba pa.
Inungkat din ng grupo na maraming mga miyembro nila ang nasa ilalim din ngayon ng quarantine dahil sa pagharap sa mga kababayan na dinapuan ng virus.