-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nasamsam ng pinag-isang pwersa ng Philippine National Police at Philippine Army ang ilang matataas na kalibre ng baril at pampasabog sa naganap na engkwentro laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Pilar, Sorosogon.

Ayon kay 9th Infantry Division DPAO chief Captain Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang sa mga nakumpiskar sa pinangyarihan ng insidente ang dalwang M16 rifle, dalawang dalawang anti-personnel mines, at iba pang mga kagamitan ng mga rebelde.

Ipinagpapasalamat naman ng opisyal na walang nasugatan sa hanay ng mga panahalaan subalit may nakitang mga bakas ng dugo sa lugar na pinaniniwalaang mula sa kalabang grupo.

Paliwanag ni Roldan na ang naturang mga rebelde ay miyembro ng dismantled guerrilla na lumalabas umano sa kanilang kuta dahil batid na ng mga ito na wala nang ligtas na lugar para sa kanila.

Ayon pa sa opisyal na sa limang engkwentro na naitala sa rehiyon ngayong taon, naging trend na na ang mga residente ang nagpapaabot ng impormasyon sa mga kinauukulan kaya nagiging matagumpay ang operasyon ng government forces.

Maaalala na noong nakalipas na taon, nasa 1500 na mga rebelde ang sumuko sa mga otoridad dahil sa pinaigting na panawagan ng pamahalaan na magbalik loob na ang mga ito upang makapagbagong buhay.

Kaugnay nito, nanawaran ang opisyal sa grupo na tigilan na ang walang saysay na pag-aarmas at pakikipaglaban sa pamahalaan.