-- Advertisements --

COTABATO CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang clearing operation ng mga otoridad matapos ang nangyaring engkwentro nitong Sabado ng madaling araw sa Brgy. Limbo, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Sa ulat na ipinadala ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-BAR), maghahain sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na puwersa ng mga otoridad pero sa halip na sumuko si dating barangay captain Pendaton Kato Talusan ay nakipagbarilan ito.

Habang nangyayari ang labanan ay may limang pulis naman ang tinamaan pero isa sa kanila ang binawian ng buhay na nakilalang si PSSgt. Elenel Pido.

Nakilala naman ang ilan sa mga namatay sa panig ng mga suspek na sina Pendaton Kato Talusan; Datu Abdullah Kato Talusan; Datu Bembi Talusan at siyam na iba pa.

Narekober naman sa 12 bangkay ang anim na M16 rifle, dalawang .45-caliber pistol, isang M14 rifle, isang .22-caliber rifle, at isang improvised barret.

Samantala, passable na ang Cotabato-Davao national highway matapos na ikordon ang lugar dahil sa insidente.