-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakubkob ng militar sa magkahiwalay na lugar sa North Cotabato ang dalawang umano’y pagawaan ng mga baril at eksplosibo ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Unang nadiskubre ng militar ang pagawaan ng mga high powered firearms at war materials sa Barangay Nabalawag, Midsayap, North Cotabato.

Isinagawa ng Joint Taskforce Central ang nasabing operasyon kasama ang 602nd Brigade, 7th Infantry Battalion Philippine Army, 34th IB, 62nd Division Reconnaissance Company, EOD Team at ng Midsayap PNP .

Sinundan ito ng pagkubkob naman sa pinaniniwalaang pagawaan ng bomba o malalakas na uri ng improvised explosive device o (IED) at mga sangkap sa paggawa ng bomba sa Sitio Blah, Barangay Manaulanan, Pikit, North Cotabato.

Kabilang sa narekober ng militar ang 10 plastic container, liter flash powder, improvised electric clasting cap, plastic container, firing wire (20 mtrs), at 12-volts battery.

Ayon kay 6th ID commander Maj. Gen Diosdado Carreon, mahalaga ang pagkakarekober ng mga kuta ng BIFF dahil posible umano itong gamitin sa pagsalakay ngayong selebrasyon ng bagong taon.

Ngunit, ipinasiguro ng militar na aantabay sila sa pagbabantay sa posibleng pag-atake sa kasabay ng bagong taon.