-- Advertisements --

(Update) KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang hot pursuit operations ng militar matapos ang nangyaring engkwentro sa Sitio Macantal, Brgy. Olandang, Midsayap, North Cotabato na ikinasawi ng isang high-ranking official ng terror group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Koronadal, pinaputukan ng pinaniwalaang grupo ni Mando Mamalompong alyas DM ang mga kasapi ng 34th Infantry Battalion at Midsayap PNP nang magpapatupad sana ng arrest warrant sa naturang lugar.

Isang sundalo naman ang naitalang sugatan sa nangyaring engkwentro.

Ayon sa militar, ilan sa mga nasawi sa naturang sagupaan ay si Mamalompong na siyang 2nd Division commander ng BIFF at tagapagsalita sa ilalim ng Karialan faction; ganundin si Nur Hamid Sabdulla alyas Tong.

Maliban dito, narekober din ang ilang mga armas na kinabibilangan ng isang M-16 rifle, isang M-14 rifle, mga magazine at mga bala.