DIPOLOG CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang mag-asawang miyembro ng komunistang New People’s Army matapos itong masugatan sa nangyaring bakbakan sa Brgy. Tinuyop, Leon B. Postigo, Zamboanga del Norte.
Kinilala ang mag-asawa na sina alyas “Pewee” na kumander umano ng HQ Kalaw at asawa nitong si alyas “Ritchie” na regional medical staff ng Western Mindanao Regional Party Committee ng naturang grupo.
Ayon sa report, inabandona umano ang dalawa ng kanilang mga kasamahan matapos ang nangyaring 15 minuto sagupaan laban sa tropa ng militar.
Nagtamo umano ng malubhang sugat sa balikat si alyas Peewee dulot ng sunod–sunod na engkwentro na nagbunsod upang magdesisyon itong sumuko sa mga otoridad.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ang sumukong rebelde sa 1st Infantry Division Station Hospital matapos i-rescue at malapatan ng first aid.
Maliban sa mag-asawa ay na-rescue rin ng mga sundalo nitong Myerkules si alyas “Jekjek” matapos ang bakbakan na nangyari sa Barangay Midatag sa parehong lugar.
Ayon naman kay BGen. Leonel Nicolas, commander ng 102nd Infantry Brigade, patuloy ang gagawin nilang pagtugis sa lahat ng mga komunistang grupo na nag-ooperate sa rehiyon.