CENTRAL MINDANAO-Isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Ayon sa tagapagsalita ng Eastmincom na si Major Alex Mindalano kinilala nito ang sumukong NPA na si alyas Marikit, secretary ng Guerrilla Front 55, Sub-Regional Committee 5, Southern Mindanao Regional Committee na sumuko sa militar sa Pikit Cotabato.
Sangkot si Marikit sa iba’t-ibang operasyon ng NPA sa Paquibato District sa Davao City.
Kasapi rin si Kumander Marikit sa League of Filipino Students and Gabriela Youth.
Matagal na anya minamanmanan ng militar si Marikit na sangkot sa pangongotong at operasyon ng NPA laban sa militar.
Buntis ngayon si Marikit sa anak nila ng kanyang namayapang asawa ng isang Kumander rin ng NPA.
Nasa mabuting kalagayan si Marikit at ang kanyang dinadalang bata at nakikipagtulungan ang military sa ibang ahensiya ng gobyerno para sa pangangailangan ni Marikit sa kanyang panganganak.
Knomperma rin ni Eastmincom chief Lt. Gen. Greg Almerol. Bukod pa rito, inaasahan na matatanggap ni Marikit ang tulong pinansiyal mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan upang makapagsimula ng bagong buhay.
Nananawagan naman si Almerol sa ibang myembro ng NPA na sumuko at magbagong buhay.
Ang mga susukong NPA ay mabibigyan ng tulong kagaya ng financial and livelihood assistance, housing, scholarship, at iba pa mula sa Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.