KORONADAL CITY – Tiniyak ng Philippine Army na patuloy ang kanilang pagtugis sa mga kasapi ng mga teroristang grupo na naghahasik ng lagim, lalo na sa area ng Mindanao.
Ito’y matapos nasawi sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng communist terror group (CTG) at 90th Infantry Battalion sa Sitio Rudson, Brgy Arakan, Matalam, North Cotabato ang secretary umano ng naturang komunistang grupo.
Ayon sa Philippine Army, kinilala ang nasawing suspek na si Zaldy Gulmatico Polido a.k.a Joel o Cobra, at secretary ng Guerilla Front 53 ng Southern Regional Command 3, Southern Mindanao Regional Committee.
Nagsasagawa kasi ng combat clearing operations ang mga sundalo nang makasagupa ang nasa 20 miyembro ng CTG kung saan nagtagal ng 20 minuto ang engkwentro.
Narekober kay Polido ang armas nitong M16 rifle, mga magazine, mga cellphone, pagkain, at mga subersibong dokumento.
Kaugnay nito, hinihingi ni 6th Infantry Division Commander Major General Juvymax Uy ang tulong ng publiko upang masawata ang insurhensiya at karahasang dulot ng naturang mga grupo sa kanilang nasasakupan.